INDUSTRIYA NG LPG SA GITNA NG PANDEMYA
Maraming industriya ang pinadapa ng pandemya na dulot ng COVID-19. Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang nagbago ang pang-araw-araw na gawain at buhay ng milyon-milyong tao at tila nagpahinto sa galaw ng mundo.
Kasabay ng banta ng COVID ay ang pagdedeklara ng community quarantine sa Kalakhang Maynila at iba’t ibang lugar sa bansa noong nakaraang Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan at sa krisis na ito, iba’t ibang sektor ng industriya ang nakaranas ng pagbabago habang ang iba ay nagsara at marami ang nawalan ng trabaho.
Sa kabila nito, may ilang negosyo rin na patuloy namang namamayagpag at naghahatid serbisyo-publiko sa mamamayan tulad ng industriya ng LPG.
Ayon sa dating mambabatas na si Arnel Ty, malaki ang naging kontribusyon ng kanilang organisasyon para mapanatili ang trabaho sa gitna ng pandemya.
Para kay Ty, pangulo ng partidong LPG/MA (LPG Marketers Association) at founder ng South Pacific Inc. (SPI) at Republic Gas Corporation (REGASCO), malaki ang naiaambag ng industriya ng LPG sa lipunan lalo na sa panahon ng pandemya.
“Hindi kami nagtanggal ng mga tao, bagkus nagdadagdag pa kami,” aniya. “Hindi tulad ng mga gasolinahan at ibang negosyo, hindi kami gaano naapektuhan ng pandemya.”
Itinuring din ni Ty na frontline professionals tulad ng mga doktor at nurse ang kanilang mga tauhan at miyembro ng organisasyon dahil sa pagharap nila sa banta at panganib ng COVID.
“Sa panahon ngayon, marami ang umiiwas sa matataong lugar at takot lumabas. Nakahanda naman kami para ihatid sa consumer ang aming produkto,” ani Ty. “Highly trained” ang mga tauhan at miyembro ng aming organisasyon at maituturing silang mga frontline professional.”
Ayon pa sa mambabatas: “Bago kami magpalabas ng aming empleyado, sinisiguro namin na trained sila at sumusunod sa mga safety guidelines na ipinatutupad ng pamahalaan para mabigyan serbisyo at maproteksyunan ang publiko.”
Ipinagmalaki rin ni Ty na simula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa, hindi naman nagbago ng presyo o tumaas ang halaga ng LPG sa panahon ng pandemya.
“Maituturing namin na achievement ng aming organisasyon ang patuloy na pagbaba ng presyo ng LPG sa merkado kumpara noong mga nakaraang taon. Alam kasi namin na napakaimportante nito sa mga consumer lalo na’t marami sa kababayan natin ang nagnenegosyo ng pagkain,” dagdag pa ni Ty.
Sinabi pa ng mambabatas na naging instrumento ang kanilang partido upang hikayatin ang industriya ng LPG na mapanatili nito ang abot-kayang halaga ng LPG.
Source: Pilipino Mirror